Good Friday: Penitensiya
April 16, 2009Para maiba naman sa mga posts ko tungkol sa mga pinagka-abalahan ko nung Semana Santa, minabuti kong isulat ang “araw” na ito sa Filipino. Bukod sa nahihirapan na ako ng kaka-Ingles dito hehe, parang mas nababagay ang wikang atin para sa tema ng post ko na ‘to.
Huwebes pa lang ay excited na ang mga bata para makakita ng penitensiya. Pinangakuan kasi sila ng Kuya Tootie nila na dadalhin ng maaga sa Sta. Rosa (katabing bayan namin, mga 20 minutos lang ang biyahe) dahil marami ang nagpepenitensiya doon. Ako naman, ilang beses na kong nakakita ng ganun nung bata ako, kaya hindi na rin ako nagplano na sumama pa. Hindi na ako interesado masyado, kumbaga.
Teka, parang nanunumbalik sa akin ang alala nung mga panahon na inaabangan namin ni Tootie at ni Kuyang ang penitensiya. Kadalasan si Daddy o si Tito ang aming kaalakbay sa mga ganitong pagkakataon. Ngayon ako naman at si Tootie ang nagbibitbit sa mga anak ni Tito kung saan-saan. Tingnan mo nga naman ang ikot ng mundo. Noon kabataan ako, mas marami ang nagpepenitensiya sa lugar namin. Maghihintay lang kami sa kanto at siguradong may makikita na na grupo ng mga lalaki na nagpepenitensiya. Minsan ay dalawang grupo pa nga, may maliit at may malaki. Kapag sobrang suwerte, dumadaan pa mismo sa harap ng bahay namin.
Ay naku! Ang dami namin pamahiin tuwing santo-santo (Lunes santo, Martes santo…). Siyempre, bawal ang kumanta, dapat malungkot, kasi namatay si Kristo. Kahit konting tunog ng radyo ay bawal na bawal. Ang matigas na ulo na Kuyang ko, nahuli minsan ni Lola na nakikinig ng radyo. Ayun, tinawag siya tuloy na Hudyo. At pag nagka-sugat ka daw sa linggo na ito, hindi na gagaling. Eh nung isang Martes santo, nasemplang ako sa bisikleta ko, na-gasgas ang tuhod ko. Sobrang takot ko na baka hindi gumaling. Gumaling naman siya. Siguro dahil gasgas lang at hindi sugat haha. At ang pinakakinakatakutan namin ng mga pinsan ko—ang matalansikan ng dugo ang balat namin ng mga nagpepenitensiya. Hindi kami takot sa dugo, takot kami na malipat sa amin ang kasalanan ng mga nagpepenitensiya. Ganun kasi yun. Ang haba na ata ng munting kuwento ko, balik na tayo sa pangunahin istorya.
Alas-siyete ng umaga, nambubulabog na si Billy sa kuwarto ko. Mangyari kasi, si Babyline at si Eduard ay sa kuwarto ko natutulog. Aalis na pala sila sa ilang minuto. Napakahirap gisingin ng dalawa, pero pinilit ko. Sayang naman ang pagkakataon na magkakasama sila na makikita ‘to, lalo na at si Billy ay sa Qatar na nakatira. Kaya makalipas ang ilang saglit, hindi pa man nakakaligo, umalis na sila upang manood ng pinaka-aabangan na penitensiya.
Para sa mga takot sa dugo, hindi para sa inyo ang mga susunod na litrato.
Ito ang mga nagpepenitensiya. Pantalon lamang ang suot nila. Wala silang tsinelas, walang pang-itaas, ngunit may takip sa mukha. Meron din silang “koronang tinik” sa mga ulo nila (san pa ba?). Sa susunod na litrato, malamang ay medyo malayo-layo na rin ang nailakad nila. Marami-rami na rin kasi ang dugo sa likod nila.
Kung gusto niyo ng mas close-up at mas madugo, eto ang litrato para sa inyo.
Meron din ilan na nagpapasan ng krus sa kanilang mga balikat. Hindi man mundo ang pasan nila, aba, mabigat rin yata ‘to.
Hindi man kasing sikat ang probinsiya namin katulad ng Pampanga kapag dumadating ang Semana Santa, meron din naman kaming sariling penitensiya. Marami pa rin ang manonood, ngunit kumonti ang nagpepenitensiya. Ayaw kong maghusga kung tama o mali ang gawain na ito, pero ang masasabi ko, ang tradisyon na ito ay tunay na Pilipino.
Previous Comments
Tulad ni Jeanny, hindi pa ako nakapanood ng penitensya tulad ng sinulat mo. Naisip ko tuloy na andami kong namimiss na tradisyong Pilipino.
Posted by angeli at April 21, 2009, 1:45 pmNung bata pa ako, mga 5-7 ang aking edad, nasa Pasay kami noon, Zamorra st., tandang tanda ko, nasa second floor kami ng apartment namin, at dumaan ang isang kalbo, nagpepenitensiya ng tulad ng nasa unang litrato, naka-live videocast din siya sa telebsiyong pinapanood namin, bigla kong pinatay ang telebisyon dahil ayaw ko ang nakikita ko, isinarado ko ang bintana, nagalit ang aking ama, ako ang pinalo niya, putol ang plastic na hanger sa aking braso. Hindi ko naintindihan bakit niya ako pinalo, pero iyon ba ay isang penitensiya din?
Posted by sheng at April 21, 2009, 2:02 pmGanyan din yung tradisyon samin sa Laguna (yung mga bawal at sight ng penintensya). Tapos sabi pa ng matatanda, dapat daw wag madaluyan ng tubig na galing sa pinagliguan (if sa ilog) ng mga nagpenitensya (hampas ang tawag nila sa province) kase malilipat daw yung kasalanan.
Posted by witsandnuts at April 21, 2009, 2:47 pmnaku! grabe yang pics mo…pero kung tutuusin, wala yan sa dinanas ni Jesus para sa atin…
Posted by kg at April 21, 2009, 7:22 pm[jeanny] oo nga. parang ang sakit no? tapos naka-paa pa sila na naglalakad.
[angeli] sana makakita ka rin sa mga susunod na taon!
[sheng] ay ang lungkot naman ng naranasan mo, sheng. natural naman na matakot ang bata sa penitensiya, e.
Posted by mordsith at April 22, 2009, 11:53 am[wits] ay oo nga! sa amin bawal din madaluyan ng tubig! minsan pa nga, bawal buksan ang gripo. dugo daw ang lalabas. hehe.
[kg] totoo yan.
Posted by mordsith at April 22, 2009, 11:55 amsa lugar namin sa pasay, si kaibigang bobit ang kumakalampag sa bahay namin para gisingin ako. eto ang “tradisyon” naming magkaibigan tuwing semana santa - ang manood ng penitensya! hindi ko matandaang natakot ako sa kanila. pero nung lumaki na ako, nanghihina ako kapag nasusugatan ako sa kamay at nakakakita ng sarili kong dugo!
Posted by kaka at April 23, 2009, 12:24 pmAll comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.






Alam mo hindi pa ko nakakakita ng ganyan (yung nagpepenetensya) sa personal. YUng photo na shinare mo, grabe naramdaman ko yung hapdi nung sugat. awww…
Kala ko taga pampanga ka, hehehe
Posted by jeanny at April 21, 2009, 11:06 am