I... am gonna live forever.

Home » Archives » 30. January 2009

malamig na impiyerno

January 30, 2009

Hindi naman ito kasing seryoso kagaya ng pinapahiwatig ng title ko. Pero ganito ang araw araw na nararanasan ko sa buwiset na opisina ko. Pasensiya na kayo kung punong puno ng emosyon ang post na ito, inis na inis lang talaga ko. Kailangan ko lang ilabas ito, kaysa naman bigla akong magwala dito.

Simple lang naman ang problema ko. Napakalamig ng aircon dito. Araw araw na lang na ginawa ng Diyos, nakikiusap ako na, please, pwede ba, pakihinaan naman ang aircon. Itong aircon na ito ay diretso sa bunbunan ko, at ang mga kamay ko ay parang patay na sa lamig. Abay hindi ko na nga maigalaw kamay ko sa sobrang ginaw sa isinumpang area ko. Paminsan-minsan naman hinihinaan, pero dahil sa higit na katalinuhan ng makina sa mga tao dito, automatic siya na lumalakas ng matindi, oo, matindi.

Nakakapikon na kasi. Pakiramdam ko hindi na makatao ang lamig na ito. Hindi makatao, kasi yung mga pagod na pagod na computers lang ang mahalaga dito. Kailangan malamig para hindi mag-overheat. Haha. Bwiset.

Dati naman kahit sino pwedeng maghina ng aircon dito. Sa napakatalinong pag-iisip ng kumpanya na ito, nilagyan nila ng lock, at kailangan pang hulaan kung kanino ka makikiusap para hinaan ang parusang lamig dito. Pag nahulaan na, maghihintay ka pa ng awa para may makinig sa araw na araw na reklamo mo. Leche naman. Bakit ba hindi na lang nila ipirmis sa makataong temperatura?

Eh pano daw kung padala ko sa Amerika? Nakakatawa. Hintayin niyo post ko tungkol dito. Magrereklamo ba ko dun? Siyempre hindi. Ang lamig dun, o init, Diyos lang ang makakapagpabago. E dito, mga tao. Tao nga ba? Ilang pindot lang tapos na sana problema ko dito at ng mga katabi ko. Hindi na rin ako magkakasakit at baka mabawasan ang sama ng loob ko.

Hindi ko nga alam kung sa aircon lang talaga ko naiinis. Malamang hindi. Naiinis ako sa mga tao na malaki sana ang magagawa para sa ibang tao kumilos lang ng konti. Para kang sumisigaw sa taong nagbibingi-bingihan. Impiyerno dito, malamig nga lang.

Posted by mordsith at 11:44 am | permalink | comments[25]