Ang Bayan Ko… handa, awit
November 21, 2008
Bayang Magiliw, Perlas ng Silanganan…
Ito ang ating pambansang awit. Malimit na tawagin Bayang Magiliw ng ating mga kababayan, ngunit ito ay pinangalanan Lupang Hinirang.
Una ko itong nakabisado nung mag-aral ako ng elementarya. Kinakanta namin ito ng aking mga kakalase tuwing Lunes ng umaga. May kahigpitan ang aming paaralan, kaya kinakailangan tumayo ng tuwid at ilagay ng maayos ang kamay sa dibdib habang ito ay inaawit, gaya ng kinakailangan na itaas ng 90 degrees ang kanang kamay sa Panatang Makabayan (na mas mahirap kabisaduhin). Noon, feel na feel ko ang pag-awit nito.
Nung high school, napagsawaan ko ang pagkanta ng Lupang Hinirang. Akalain mo ba naman na ipakanta sa amin araw-araw. Ganoon ata talaga sa mga public high school. Kaya naman lahat ay gagawin ko ma-late lang sa paaralan at wag lang abutan ang napakahabang flag ceremony. Kahit pa pangaralan ako ng mahaba ng mga guro o patakbuhin sa quadrangle ng ilang ikot. Pakiramdam ko sayang lang ang oras ko sa flag ceremony, kaya itinutulog ko na lang ng mahaba.
Ito rin ang panahon na nakarinig na ako ng national anthem ng ibang bansa. Ang pinakatumatak sa akin ay ang Star-Spangled Banner ng Amerika. Hanep yung kanta na yun. Nakakapangilabot. Babae man o lalaki ang umawit, ang gandang pakinggan, at para bang kung taga doon ka, proud na proud ka sa pagiging Kano mo. Yung mga pelikula sa Hollywood na napanood ko na kinanta ito, maging yung mga laban sa boksing, grabe napapatahimik ako. Teka, teka. Di ko mahal ang Amerika. Ang ganda lang talaga ng kanta nila. Ang ganda ng rhythm at tono. Kuhang kuha ang pagmamahal sa bansa. Yung panghuling linya, pamatay: O’er the land of the free and the home of the brave!
Kaya naman ilang beses na namin pinag-uusapan ng mga kaibigan ko na sana palitan ang pambansang awit ng Pilipinas. Yung huling pag-uusap namin ni pedro, eks, at ako sa Glorietta tungkol dito ay sobrang nakakaaliw. Ang dami namin napag-usapan tungkol dito. Kaya pala hindi masyadong kagandahan ang musika nito ay dahil ito ay isang march song (ayun, pang martsa pala). Nalaman ko rin na hindi naman sabay ginawa ang musika at ang mga salita nito (ahh, kaya pala). Higit sa lahat, nagkaisa kami sa kung ano ang nais namin na maging pambansang awit ng Pilipinas.
Paalala sa mga nagbabasa: Hindi kami mga subersibo o walang pagmamahal sa bayan. Bagkus ito ay kabaligtaran. Mahal namin ang Pilipinas. Kaya nga gusto namin ng awit na mas kuha ang pagmamahal namin sa bayan. Kung alam niyo lang, ang dami na namin diskusyon kung ano ang magandang gawin sa ating bayan makaahon lang sa hirap. Ang pinakamalupit na plano namin, at ito ay biro lamang, ay ang paggawa ng katulad ng Aryan race ni Hitler. Sana maliwanag, hindi kami mga taksil sa bayan. :-)
At ang kanta na amin napagkaisahan ipalit sa Lupang Hinirang ay Bayan Ko. Ang bayan kong Pilipinas, lupain ng ginto’t bulaklak… Ayan, napapakanta na ko. Mas madamdamin ang kanta na ito, at sa totoo lang, mas maganda ang mga letra. Nag-imagine kami ng mga okasyon na pwedeng kantahin ito, at ang naisip ko ay ang pag-awit nito kapag may nanalong atletang Pinoy sa Olympics (sana ginto na). At siyempre, ang gusto kong kumanta nito ay walang iba kundi si Lea Salonga. Grabe. Ang sarap sigurong pakinggan nun. Makuwento ko lang sa inyo, Bayan Ko ang unang kantang natutunan kong kantahin noon ako ay 2 taong gulang. Sinorpresa nga ako ng mga magulang ko nung debut ko ng isang cassette tape recording na kinakanta ko ito ng pabulol bulol. Cute pa siguro ko noon. haha. At ang linyang kinakanta ko dun, hanggang ngayon paborito ko pa rin, Ibon mang may layang lumipad, kulungin mo ay umiiyak…. Noon 18 ako tsaka ko lang nalaman na alam ko na pala ito noon bata ako. Tingnan mo nga naman, consistent ako sa gusto ko. haha.
Oo na, may history ang Lupang Hinirang kaya hindi pwedeng palitan. Suhestiyon lang naman, demokrasya pa rin naman tayo, di ba? (isang gasgas na linya). Pinakanta nga sa amin ito sa espanol sa Span 20 na klase ko. Okey naman siya, parang mas maganda nga kaysa sa Filipino version. Ito naman kasi ang orihinal. Pero sa amin ng mga kaibigan ko, walang tatalo sa ang Bayan Ko. Napag-aalab nito ang amin mga damdamin Pilipino. Maganda ang huling parte ng Lupang Hinirang, gusto ko. Pwedeng tatak ng mga T-shirt sa harapan. Pero hindi naman nagpapahuli ang kantang napili namin. Parang naririnig ko na si Lea Salonga na inaawit ang huling linya; mataas na ang kanyang tono, mabagal at malinaw ang pagbigkas ng mga salita, at mahaba ang huling salita.
Aking adhika…
Tahimik ang paligid. Ni munting galaw ay hindi mahagilap. Sa pagkakataon ito, mayroon ng pangingilabot ng mga balahibo. Ang katahimikan sa labas ay kabaligtaran ng ingay ng kalooban.
…makita kang sakdal
Nagpupumiglas na ilabas ang damdamin. Ngunit hindi pa, hindi pa. Bibigyan pa ni Lea ng hustiya ang kanta. At sa kanyang makapangyarihan boses, buong pusong sasambitin…
LAYA!
Naiiyak na yata ako ng konti. Sa totoo lang, gustong gusto ko ng makaahon sa hirap ang ating bayan. Ilan beses na siyang pinahirapan ng mga dayuhan, pati Pinoy mismo, ilang beses na rin siyang napabayaan. Buwiset naman kasi ang mga tao sa gobyerno, hindi ata alam ang konsepto ng nasyonalismo. Siguro dapat pakantahahin ko sila ng
Bayan Ko. Baka sakaling tumino-tino. haha.






